Inabisuhan ng Department of Foreign Affairs o DFA ang mga Overseas Filipino Worker o OFW sa Saudi Arabia na mag-ingat at iwasan ang matataong lugar.
Kasunod na rin ito ng umiinit na tensyon sa pagitan ng Saudi at ng Iran dahil sa pagkakabitay sa isang Shi’te cleric doon.
Batay sa report ng embahada ng Pilipinas sa Riyadh, ramdam na ng mga Pilipino sa Saudi ang higpit ng seguridad na ipinatutupad sa Saudi.
Pinaigting din ang isinasagawang checkpoints sa lahat ng outpost kung saan, mahigpit na ginagalugad ang lahat ng bag ng mga motorista.
Samantala, nangangamba naman ang ilang eksperto hinggil sa epekto ng nagpapatuloy na sigalot sa pagitan ng Saudi at Iran sa pagpapadala ng mga Overseas Filipino Worker o OFW sa Gitnang Silangan.
Ayon kay Dr. Rene Ofroneo, Direktor ng Center for Labor Justice sa UP School of Labor and Industrial Relations, kailangang bigyan ng seguridad ang mahigit 2 milyong OFW sa Middle East.
Ito aniya ang isa sa mga pinakamalaking pinagkukunan ng remittances ng bansa na siyang nagpapalakas sa halaga ng piso sa block market.
Iginiit pa ni Ofroneo, ang paggigiit ng gobyerno na iuwi ang mga Pinoy mula sa Saudi kapag tumindi na ang tensyon dahil sa ugali ng mga ito na nananatili sa kabila ng digmaan.
Monitoring
Inatasan ni Pangulong Benigno Aquino III ang Department of Foreign Affairs na ipagpatuloy ang mahigpit na monitoring sa sitwasyon sa Middle East.
Ito’y bunsod na rin ng nagaganap na political tension sa pagitan ng Saudi Arabia at Iran.
Pinulong ng Pangulong Aquino ang kanyang gabinete patungkol sa sitwasyon sa Gitnang Silangan para matiyak ang kapakanan ng milyon-milyong Overseas Filipino Workers (OFW).
Iginiit ng presidente na prayoridad ng gobyerno ang kaligtasan ng mga OFW’s kaya’t dapat ihanda ang mga contingency measures at ipatupad ang maximum coordination sa lahat ng government agencies.
Kabilang sa nakapulong ng Presidente ay sina Executive Secretary Paquito Ochoa Jr., DFA Secretary Albert del Rosario, Labor Secretary Rosalinda Baldoz, at ilan pang miyembro ng gabinete.
By Jaymark Dagala | Meann Tanbio | Aileen Taliping (Patrol 23)