Inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang apela ni Labor Secretary Silvestre Bello III at kahilingan ng ilang seafarer’s group na iprioritize ang seafarers pagdating sa mga bakunang gawa sa Amerika o United Kingdom.
Ito ay matapos ipaliwanag ni Presidential Spokesman Harry Roque sa pangulo na hindi pasasakayin o pababalikin ang mga Pinoy seamen sa Europe kung hindi Pfizer, Moderna o AstraZeneca ang bakuna sa mga ito, bagamat hindi ito naaayon sa polisiya ng gobyerno na walang pilian ng vaccine brand.
Binigyang diin ng pangulo na hindi naman isyu ang pagbibigay ng special treatment sa Pinoy seafarer sa pagbibigay nya ng go signal na mabakunahan ang mga ito ng Western brands dahil pare-pareho lang ang mga naturang bakuna.
Kasabay nito, pinaaayos ng pangulo kay vaccine czar Carlito Galvez, Jr. ang magiging sistema kung paano makakapagpalista ang seafarers sa vaccination program ng gobyerno.