Ibinasura ng Presidential Electoral Tribunal o PET ang inihaing mosyon ng kampo ni Vice President Leni Robredo para ikonsidera ng PET na valid vote ang mga balota na mayroong 25 percent shade.
Ito’y ayon sa kampo ni Robredo ay batay na rin sa threshold percentage na ipinatupad ng Commission on Elections o COMELEC sa 2018 Revisors Guide, random manual audit visual guidelines at random manual audit report.
Pero ayon sa PET, hindi tama ang argumento ng Bise Presidente lalo’t wala namang batayan para ipatupad ang 25 percent threshold sa pagtukoy ng valid vote.
Hindi rin maaaring ituring ng COMELEC ang random manual audit guidelines and report bilang katibayan ng 25 percent threshold at walang resolusyon ang COMELEC na nagtatakda rito.
BBM camp
Handa naman ang kampo ni dating Senador Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos na tumalima sa naging kautusan ng PET.
Ito’y makaraang pagpaliwanagin ng PET ang kampo nila Marcos at Vice President Leni Robredo kaugnay ng inilabas nitong show casue order sa revision of ballots noong 2016 presidential elections.
Ayon kay Atty. Vic Rodriguez, Spokesman ni Marcos, inihahanda na nila ang isusumiteng sagot kung bakit hindi sila kailangang patawan ng contempt ng High Tribunal.
Kasabay nito, ikinatuwa rin ng kampo ni Marcos ang ginawang pagbasura ng PET sa inihaing mosyon ng kampo ni Robredo na ideklarang valid ang mga balotang mayroong 25 percent shade.
Giit ni Rodriguez, pagpapakita lamang ito ng pagiging ignorante ng mga abogado ni Robredo sa rules on revision ng PET pero tahimik lamang ang kampo ni Robredo hinggil dito.
(Ulat ni Bert Mozo–Patrol 3)