Pag-aaralan ng mabuti ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang petisyong dagdag-pasahe ng mga jeepney driver at operator sa bansa.
Ayon kay LTFRB board member Atty. Mercy Jane Paras-Leynes, bubusisiin ng ahensya ang naturang adjustment upang makapaglabas ng magandang desisyon dahil na rin sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Ngunit may tinitingnan pa aniya silang ibang factors gaya ng magiging epekto nitong pagtaas sa mga pasahero at sa overall na inflation ng bansa.
Samantala, nakuha na ng LTFRB ang position paper ng National Economic and Development Authority (NEDA) tungkol sa hirit na fare hike ng mga jeep, pero hinihintay pa rin nila ang pag-aaral tungkol sa panukalang dagdag-pasahe na rin ng mga bus, taxi at UV express.
Sa ngayon, nasa 11 pesos pa rin ang minimum na pamasahe ng mga tradisyunal na jeepney.