Dedesisyunan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga petisyon para sa mas mataas na pasahe sa bus, jeepney at sa UV Express.
Ayon kay LTFRB Board Member Ronaldo Corpus, nakatakda na sa Huwebes, Setyembre 27 ang case conference para sa iba’t ibang fare hike petitions.
Ipinahiwatig ni Corpus na posibleng aprubahan ng Board ang mga hirit na dagdag pasahe ng iba’t ibang uri ng pampublikong sasakyan sa harap ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng petrolyo.
Gayunman, tiniyak ni Corpus na sasangguni muna sila sa National Economic Development Authority (NEDA) para alamin kung gaano kalaki ang epekto ng mataas na pasahe sa inflation o bilis ng pagtaas ng presyo ng bilihin.
Una rito, iginiit ng mga transport groups ang P12 na minimum na pasahe sa jeepney.
Gayunman, sinabi ng LTFRB na P10 lamang ang orihinal na petisyon ng transport groups kayat ito ang magiging basehan ng kanilang desisyon.
Samantala, 33 porsyento naman ng kasalukuyang pasahe sa bus ang petisyon ng bus operators.
—-