Umaasa ang kampo ng dating Pangulo at ngayo’y Congresswoman Gloria Arroyo na dedesisyunan na sa lalong madaling panahon ng Sandiganbayan ang petisyon nilang ma-house arrest ang dating Pangulo.
Inihayag ito ni Atty. Raul Lambino, isa sa mga abogado ni Ginang Arroyo makaraang aprubahan ng House Committee on Justice ang resolusyon para sa house arrest ni Ginang Arroyo.
Ayon kay Lambino, bagamat ang Sandiganbayan lamang ang puwedeng magdesisyon kung dapat ma-house arrest si Ginang Arroyo, posible rin naman aniyang makahikayat sa mga justices ang desisyon ng House Committee on Justice.
Iginiit ni Lambino na dapat lamang payagan na ang house arrest kay Ginang Arroyo dahil halos lahat ng mga kapwa niya akusado sa kasong plunder ay pinayagan nang makapagpiyansa samantalang ang iba ay napawalang sala na.
“Kailangan pa po yang resolbahin ng Sandiganbayan, doon po sa isyu kung saan siya ilalagay kung sakaling mapagbigyan siya sa hiling na house arrest ay ipinapaubaya na natin sa Sandiganbayan, kung diyan po sa La Vista Quezon City o sa bahay niya sa Pampanga.” Pahayag ni Lambino.
By Len Aguirre | Kasangga Mo Ang Langit