Nakahanda ang Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) na iatras ang kanilang kahilingan na ibalik sa P8.50 ang minimum na pasahe sa jeepney.
Inihayag ito ni Ka Zeny Maranan, Pangulo ng FEJODAP sa harap ng sunod-sunod na rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Gayunman, pinaboran ni Maranan ang reklamo ng DUMPER o Drivers Unite for Mass Progress, Equality and Reality na hindi lamang naman krudo ang basehan para itaas ang singil sa pasahe.
“Tama po ‘yan, yan nga lang po sana ang dapat bigyang tugon ng ating pamahalaan o ng Department of Trade and Industry pero nakita na po namin na napakatagal nito, kahit anong salita po namin, ang operator po ang kawawa dito sa panig na ito kasi hindi po kami nagtataas ng pamasahe, hindi po puwedeng magtaas ng boundary ang isang operator.” Pahayag ni Maranan.
Lumalabong pagbigyan
Lumalabo na umanong mapag-bigyan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB ang hirit ng mga transport group na ibalik sa P8.50 ang minimum fare sa jeep.
Ito’y bunsod ng sunud-sunod na tapyas sa presyo sa mga produktong petrolyo na umabot na sa halos P4 sa gasolina habang mahigit P2 sa diesel.
Gayunman, patuloy umanong binabantayan ng LTFRB ang paggalaw sa presyo ng mga produktong petrolyo sa lokal at pandaigdigang merkado.
Magugunitang hindi pa rin iniaalis ng LTFRB ang P7.50 provisional rollback sa pasahe sa jeepney nuong Disyembre na tinuligsa naman ng mga transport groups dahil sa mga naging pagtaas sa presyo ng langis nitong mga nakalipas na buwan.
By Len Aguirre | Ratsada Balita | Jaymark Dagala