Ibinasura ni Pangulong Rodrigo Duterte ang hirit ng lokal na pamahalaan ng Cebu na payagan na ang backriding o pag-angkas sa motorsiklo sa lalawigan.
Kasunod ito ng pagpapalabas ng executive order ni Cebu Governor Gwen Garcia hinggil sa paggamit ng motorsiklo at pagpapahintulot sa angkas sa kanilang lalawigan sa panahon ng community quarantine.
Ayon kay Pangulong Duterte, kahit pa nais niyang bigyan ng pabor si Garcia at ang provincial board members ng Cebu, hindi niya ito maaaring gawin dahil maaari siyang makasuhan ng paglabag sa anti-graft law.
Iginiit pa ng Pangulo, kapag binigyan niya ang kahilingan ng Cebu na payagan ang backriding sa lalawigan, kinakailangan niya na ring pagbigyan ang iba pa lugar sa bansa.