Pumayag na ang Sandiganbayan sa hirit ni Senator Bong Revilla na makapag-pagamot sa Philippine National Police (PNP) General Hospital sa loob din ng Camp Crame dahil sa panananakit ng kanyang mga paa.
Batay sa resolusyon ni Justice Efren dela Cruz, binanggit na dahil sa humanitarian reason ay pinaboran ang mosyon ni Revilla na magpasailalim sa check-up at therapy ng tatlong beses sa isang linggo, anim na session at isang oras kada session.
Sa kautusan ng korte, dapat maisakatuparan ang nasabing check-up at therapy sa loob ng dalawang linggo.
Ginawa ng kampo ni Revilla ang naturang kahilingan matapos irekomenda ni Dr. Francisco Agudon na sumailalim ito sa x-ray para sa dalawang paa nito at physical therapy.
PNP, tatalima
Bagama’t wala pang natatanggap na desisyon ng Sandiganbayan ang Philippine National Police hinggil sa pagpapa-check up ni Sen. Bong Revilla, inihayag ng pamunuan ng PNP na tatalima ito sa kautusan ng korte.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Sr. Supt. Bartolome Tobias, ngayon pa lamang ay naghahanda na ang Pambansang Pulisya sa naturang proseso oras na matanggap na nila ang resolusyon ng Anti-Graft Court.
Paliwanag ni Tobias, halos wala namang gagastusin ang PNP dahil malapit lamang ang PNP Custodial Center sa PNP General Hospital.
By Jelbert Perdez | Jill Resontoc (Patrol 7) | Cris Barrientos (Patrol 21)