Ibinasura ng Sanofi Pasteur ang kahilingan ng Department of Health (DOH) na irefund [refund] ang ibinayad nila sa nagamit nang dengvaxia vaccines.
Sa pagdinig ng House Committee on Health, sinabi ni Thomas Treomphe ng Sanofi na ang pag-refund sa bayad ng dengvaxia na nagamit na ng DOH ay mangangahulugan ng pag-amin na hindi epektibo at walang bisa ang kanilang bakuna kontra dengue.
Hindi aniya ito katulad ng naunang kahilingan ng DOH na i-refund ang ibinayad nila para sa hindi nagamit na mga bakuna.
DOH magpapasaklolo sa Korte
Bukas ang DOH na dumulog sa Korte upang igiit na dapat irefund din ng Sanofi Pasteur ang ibinayad ng pamahalaan sa mga dengvaxia vaccine na ginamit sa immunization program ng pamahalaan.
Reaksyon ito ni Health Secretary Francisco Duque sa pagtanggi ng Sanofi sa kahilingan nilang irefund ang halos dalawang bilyong pisong naibayad na nila para sa ginamit na dengvaxia.
Samantala, kinumpirma ni Duque na naisoli na ng Sanofi ang 1.6 bilyong piso na para mga hindi nagamit na dengvaxia.
Sinabi ni Duque sa pagdinig ng House Committee on Health na naisoli na din nila ito sa national treasury.