Mariing pinabulaanan ng kampo ng napaslang na si Jennifer Laude ang umano’y hinihingi nitong settlement mula sa kampo ni US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton.
Una nang napaulat na humingi ng P38 million pesos at anim (6) na US visa ang kampo ni Laude kapalit ng pag-uurong ng kaso kay Pemberton.
Sa panayam ng Ratsada, sinabi ni Atty. Virgie Suarez abogado ng mga laude na malabo na ito sa ngayon dahil parehong nailatag ng magkabilang panig ang kanilang mga ebidensya sa korte.
Nagkaroon lamang aniya ng plea bargaining agreement noong Pebrero bilang bahagi ng pre-trial.
Nanatili aniya ang posisyon ng pamilya Laude na ilaban hanggang huli ang kaso.
“There is no offer, there is no counter offer, there has never been a talk on amicable settlement, since February 2015. At, kahit minsan mula noon hanggang ngayon ni hindi napag-usapan ang anumang pag-atras ng kaso ng mga Laude, walang ganun at hindi ‘yun totoo.” Pahayag ni Suarez.
No clue na gustong makipag-ayos
Walang anumang nakukuhang pahiwatig o direktang pahayag si Atty. Virgie Suarez mula sa pamilya Laude kaugnay sa posibleng pakikipag-ayos ng mga ito sa kampo ni US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton.
Ayon ito kay Suarez, abogado ng pamilya Laude sa gitna nang pagbubunyag ng abogado ni Pemberton hinggil sa bagong demand umano ng pamilya Laude.
Sinabi sa DWIZ ni Suarez na bagamat hindi maaluwal ang buhay ng pamilya ni transgender Jennifer Laude naniniwala siyang tuloy hanggang sa huli ang laban ng pamilya Laude.
“Mahirap lang ang pamilya ng mga Laude, si nanay nagkukulot, nagugupit, si Malou isang ordinaryong teacher, si Michelle nagbu-buy and sell, sanay sa hirap yung pamilya pero kahit minsan hindi sila nagbigay sa akin ng kahit anumang clue na gusto nilang makipag-ayos o gusto nilang iatras ang kaso, kaya nga yung P38 million to drop the case? Talagang hindi ko alam kung saan galing ‘yun, walang ganun.” Dagdag ni Suarez.
By Mariboy Ysibido | Judith Larino | Ratsada Balita