Ibinasura ng Korte Suprema ang hiling ng One Patriotic Coalition of Marginalized Nationals o 1-Pacman Partylist na magkaroon ng Pangatlong kinatawan sa Kongreso.
Base sa desisyon ng Supreme Court, walang grave abuse of discretion sa panig ng Commission on Elections na bigyan lamang ng dalawang pwesto sa Kamara de Representantes ang 1-Pacman.
Ayon sa Kataas-taasang Hukuman, ibinatay lamang ng COMELEC ang resolusyon nito kaugnay sa alokasyon ng pwesto sa Kongreso ng mga nagwaging Partylist sa formula na inilatag ng high tribunal sa desisyon nito sa kaso ng banat versus COMELEC.
Ang 1-Pacman ay nakakuha ng mahigit 1.3 million na boto sa nakalipas na 2016 elections at ito ay katumbas ng 4.04 percent ng kabuuang boto sa nagdaang partylist elections.
Una rito, iginiit ng 1-Pacman na nilabag ng COMELEC ang probisyon ng Republic Act 7941 at ang Equal Protection Clause sa ilalim ng konstitusyon nang hindi nito isinama ang kanilang grupo sa huling round ng alokasyon para sa nalalabing pwesto para sa partylist representatives sa Kamara.
By: Meann Tanbio