Suportado ng Malacañang ang plano ng Department of Finance (DOF) na hilingin sa Kongreso na tanggalin ang suspensyon sa Bank Secrecy Law.
Ito ay para maging transparent ang mga bank account ng mga posibleng sangkot sa money laundering sa bansa matapos mabunyag ang pagkakapuslit ng “dirty money” sa Pilipinas ng ilang Chinese national.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, madalas na pinakikinggan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga ideya o plano ni Finance secretary Sonny Dominguez.
Ani Panelo, kung sa tingin ni Dominguez ay makabubuti ang naturang hakbang para sa ikalulutas ng usapin ay hindi malayong suportahan ito ng pangulo.
Gayunman, sinabi ng tagapagsalita na ang huling desisyon ay nasa mga mambabatas pa rin.
Sila umano kasi ang mag-aamyenda ng Bank Secrecy Law matapos alisin ng mga mambabatas ito sa unang draft ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion Act.