Nais ng grupong KADAMAY o Kalipunan ng Damayang Mahihirap na dokumentado o suportado ng kaukulang papeles ang binitiwang pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte na ibibigay na sa kanila ang housing units sa Pandi, Bulacan.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni KADAMAY National President Gloria Arellano na dapat ay mayroong kasulatan para rito.
Handa rin aniya silang makausap ng personal si Pangulong Duterte sakaling sila ay ipatawag.
“May habol po kami, kailangan kapag nagsalita ang Pangulo dapat mabigyan kami ng kasulatan para tiyak na tiyak ba, kung wala kaming pinaghahawakan eh paano po yun? Kailangan may pinanghahawakan.” Ani Arellano
Kasabay nito, hiniling ni Arellano sa gobyerno na tugunan ang problema sa patubig at kuryente.
“Ang kahilingan pa po namin syempre kung sa NHA yan eh sana ayusin na yung tubig at ilaw, dito nga po sa may BJMP eh balon lang na may kakaunting tubig ang pinagtitiyagaang sinasalok.” Pahayag ni Arellano
By Meann Tanbio | Balitang Todong Lakas (Interview)