Pinanindigan ng Malacañang ang pagdistansiya sa hamon ng kampo ni dating pangulo at ngayo’y Pampanga Representative Gloria Macapagal-Arroyo kay Pangulong Benigno Aquino III na bisitahin ito para makita ang tunay na kondisyon ng kanyang kalusugan.
Sa harap ito ng patuloy na paggigiit na payagan si Ginang Arroyo na makapagpiyansa para makapagpagamot sa ibang bansa.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Sonny Coloma, ang hukuman ang may kapangyarihang magpasya hinggil sa kanyang sitwasyon.
Binigyang-diin ni Coloma na mayroong “separation of powers” sa sistema ng gobyerno at hindi saklaw ng kapangyarihan ni Pangulong Aquino ang mandato ng hudikatura.
Wala aniyang kapangyarihan ang presidente para atasan ang korte na pagbigyan ang hiling ng mga abogado ni Ginang Arroyo.
Kasalukuyang naka-holiday furlough ang dating pangulo at kapiling ngayon ang kanyang pamilya sa kanilang bahay sa Quezon City.
By Drew Nacino