Ibinasura ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano ang kahilingan ng travel agencies na ibalik na sa kanila ang 1,200 slots nila araw-araw para sa passport appointment.
Ayon kay Cayetano, malinaw sa batas kung sino ang mga dapat na iprayoridad sa pagbibigay ng pasaporte.
Gayunman, nag-alok si Cayetano sa travel agencies na ipadala sa kanila ang listahan ng travel fairs at kahit isang araw bago o habang isinagawa ang travel fare ay makapaglagay sila ng makina na parang passport on wheel.
Marami pa aniyang dapat gawin ang Department of Foreign Affairs (DFA) para mas mapabilis ang proseso nang pag-aaplay ng passport ng mga Pilipino nang hindi nakukumpromiso ang kanilang seguridad o ma-expose sila sa identity theft, human trafficking at terrorism.
Matatandaang umapela ang samahan ng mga lisensyadong travel agency sa DFA na payagan na silang muling makakuha ng passport appointment online.
Iginiit ng mga travel agency ang kanilang karapatan sa bisa ng Philippine Passport Act kung saan pinapayagan silang maghain ng application para sa renewal ng passport.
Kasabay nito, umaasa silang makakadulog mismo kay DFA Secretary Alan Peter Cayetano upang mapag-usapan ang nasabing isyu.