Nanindigan ang Malacañang Press Corps o MPC na hindi sila saklaw ng kapangyarihan ng Presidential Communications Operation Office (PCOO) o anumang sangay ng gobyerno sa Palasyo.
Ito inihayag ng MPC matapos hilingin ni Presidential Communications Assistant Secretary Mocha Uson kay PCOO Secretary Martin Andanar na i-reclassify ang Rappler bilang isang social media outlet mula sa pagiging isang online news organization.
Ayon sa MPC, batay sa kanilang sinusunod na by-laws o panloob na panuntunan ay pasok ang Rappler dahil ito ay isang established news organization na mayroong deployment ng reporters sa Malakanyang, Senado, Kamara, Armed Forces of the Philippines o AFP at hudikatura at noong 2013 pa ito miyembro ng MPC.
Binigyang – diin ng press corps na kahit nasa Palasyo ay hindi maaaring manghimasok o walang karapatan ang PCOO o anumang tanggapan sa ilalim nito tulad ng tanggapan ni Uson na Office for Social Media sa panloob na usapin sa MPC lalo na ang proseso ng pagtanggap nito ng mga miyembro.