“Biktima ako ng intriga”
Ito ang reaksyon ni dating Department of Interior and Local Government o DILG Secretary Ismael Mike Sueno matapos siyang sibakin sa puwesto ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Sueno, napahiya siya matapos sibakin ng Pangulo sa harap ng cabinet members bagamat nagpapasalamat pa rin siyang naalis na sa gabinete dahil maaaring senyales ito para hindi na siya mapa-trouble o masangkot pa sa mga kontrobersya.
Sinabi ni Sueno na hindi siya pinakinggan ng Pangulo at pakiramdam niya ng mga oras na yun ay tila natutulog siya sa kuwartong malamig at naka-kumot pa subalit pinapawisan siya.
Patuloy na iginigiit ni Sueno na hindi siya tiwali at wala siyang tinanggap ni isang kusing na sentimo.
Sueno nawala na umano ang galit sa puso
Pinapatawad na ni dating DILG Secretary Ismael Mike Sueno ang mga aniya’y may kinalaman sa pagkakasibak niya sa puwesto kabilang ang tatlong (3) undersecretaries ng DILG.
Magugunitang sina Undersecretaries John Castrisciones, Jesus Hinlo at Emily Padilla ang nagsumbong sa Pangulo sa umano’y katiwaliang kinasasangkutan ni Sueno.
Sinabi ni Sueno na napaiyak siya sa nasabing seremonya dahil nawala na ang galit sa kaniyang puso.
Sa katunayan, hinanap pa ni Sueno sa seremonya ang tatlong (3) undersecretaries na mahal na mahal aniya niya.
PAKINGGAN: Pahayag ni dating DILG Secretary Ismael Mike Sueno
By Judith Larino |With Report from Jonathan Andal