Bawal na ang wang-wang.
Sa bisa ng Administrative Order No. 18 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., hindi na maaaring gumamit ang mga opisyal at tauhan ng pamahalaan ng sirena o wang-wang, blinkers, at iba pang signaling at flashing devices sa mga hindi awtorisadong sasakyan.
Ayon sa naturang kautusan, laganap na ang paggamit ng signaling at flashing devices sa mga kalsada.
Nagdudulot ito ng pagkagambala at kaguluhan sa trapiko.
Nauna pa rito, matatandaang hinimok ni Pangulong Marcos ang mga opisyal ng pamahalaan na pangunahan ang pagiging disiplinado sa mga kalsada.
Aniya, hindi kabilang sa pribilehiyong sinumpaan nila ang pang-aabuso at pambabalewala sa mga umiiral na batas-trapiko.
Kaya sa pagbabawal ni Pangulong Marcos sa hindi awtorisadong paggamit ng wang-wang at ibang katulad na instrumento, inaasahang magkakaroon na ng mas organisado at ligtas na kalsada ang publiko.
Magiging ehemplo pa ang mga sumusunod na opisyal sa pagiging disiplinado na kailangan ng bawat Bagong Pilipino upang matuldukan na ang isyu sa trapik.