Hinikayat ng United Broilers Raisers Association o UBRA ang Department of Agriculture o DA na bumuo ng isang epektibong communications plan o pagpapaliwanag sa publiko kapag mayroong krisis na tulad ng bird flu.
Ayon kay Bong Inciong, Pangulo ng UBRA, malaki ang naging papel ng maling pagpapaliwanag sa bird flu kaya’t halos bumagsak ng industriya ng manukan matapos tamaan ng bird flu ang ilang farm sa San Luis, Pampanga.
Pinuna ni Inciong na dahil sa hindi epektibong communications plan ay naapektuhan pati ang mga nag-aalaga ng broilers o yung manok na kinakatay at niluluto gayung ang mga tinamaan ng bird flu ay mga layers o ung mga manok na ginagamit lamang sa produksyon ng itlog.
Target aniya nila na dumating ang panahong magaya ng Pilipinas ang Thailand, Malaysia at Indonesia na halos hindi pinapansin ang bird flu at tanging ang mga ground zero farm ang apektado.
“Halimbawa ang DOH, akala ng DOH, ako rin akala ko, makakatulong yung ‘pag sinabi mo na basta lutuin lang nang mabuti yung manok o itlog ay ligtas na, ang pumasok pala sa kaisipan ng mga mamimili natin ay may problema, bakit kailangang lutuin? ibig sabihin kapag pumunta ako sa palengke at pisil-pisilin ko ang manok doon, eh delikado ako, nasasabi ko ito dahil ito ang ulat ng ating mga miyembro, baliktad ang nangyari imbes na kumalma lalong na-niyerbiyos.” Pahayag ni Inciong
By Len Aguirre | Balitang Todong Lakas Interview