Sinegundahan ni Associate Professor of Journalism ng UP College of Mass Communications, Professor Danilo Arao ang nagkakaisang pananaw na hindi kailangan ng bagong batas para pigilan ang pagkalat ng fake news.
Ayon kay Professor Arao, hindi dapat nalalagay sa kompromiso ang kalayaan sa pamamahayag.
Maliban dito ay wala rin aniyang kakayahan ang pamahalaan na ipatupad ang anumang batas kontra fake news dahil iba ang kanilang pananaw kung ano ba talaga ang pekeng balita.
“Ang delikado po kasi sa Senate Bill No. 1492 ay walang malinaw na depinisyon kung ano ang pekeng balita, hindi natin dapat ipagkatiwala sa gobyernong ito para i-assess kung ano ba ang peke o kung ano ang hindi. ‘Yung gobyerno kasing ito na sinasabing purveyor ng fake news ay hindi pupuwedeng magtakda kung ano ang fake news kasi kahit si Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang pakahulugan kasi ng fake news ay mga news media entity na kritikal sa kanyang mga polisiya tulad ng Rappler kaya nga ang tawag niya sa Rappler ay fake news outlet.” Ani Arao
Ayon kay Arao, maliban sa hindi kailangan ng bagong batas, may isa pang aral na dapat makuha sa mula sa pagdinig ng Senate Committee on Public Information and Mass Media sa fake news.
Lumitaw aniya sa pagdinig na hindi dapat tanggalin ang responsibilidad ng gobyerno sa pagpapakalat ng pekeng balita.
“Para sa akin naging produktibo naman yung ikalawang pagdinig kumpara doon sa una na kung saan tila mas nakatutok lang doon sa isyu kay Mocha Uson, maganda na hindi siya dumalo sa ikalawnag pagdinig kasi parang nagiging unnecessary destruction lang ang presensya niya doon at sa aking palagay pinapatunayan na yung Senate Bill No. 1492 na finile ni Senator Joel Villanueva ay hindi naman talaga kailangang ipasa.” Pahayag ni Arao
Binigyang diin ni Arao na self-regulation at hindi bagong batas ang solusyon konta mga pekeng balita.
“Sa usapin ng check and balance ang solusyon talaga is self-regulation and part of that is media education at media literacy. In fact ang dami nating batas pero ang pangunahing problema dito ay ang implementasyon.”
Sa usapin naman ng kritisismo dapat maging constructive at hindi destructive.” Dagdag ni Arao
(Balitang Todong Lakas Interview)