Hindi lahat ng tao ay alam na may code of ethics ang paggamit ng mga social media kaya napapanahon na umano para sa self-regulatory mechanism ngunit hindi para magkaroon ng batas na mag re-regulate sa social media.
Sa panayam ng programang Balita Na Serbisyo Pa kay Professor Danny Arao na isang associate professor ng peryodismo at social media trainor, sinabi nito na panahon na para turuan ang ating komunidad sa tamang paggamit ng kani-kanilang social media accounts.
Ayon kay Arao, binuo ang KBP o Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas para palaganapin ang self-regulation sa layuning hindi ito sumailalim sa gobyerno noong panahon ng martial law kung saan gusto umano ng mga Marcos na kontrolin ang media.
Ngunit, aniya, hindi kailangan na magkaroon ng KBP para sa social media para magkaroon ng regulasyon sa responsableng paggamit ng social media.
Dagdag pa ni Arao, iba na anya ang kalakaran ngayon dahil masasabi na ang KBP ay self-regulatory mechanism sa loob lamang ng media.
“Bilang isang guro ng komunikasyon at peryodismo mas naniniwala ako na ang self-regulation through media education and media literacy, ibig sabihin talagang pag ti-tiyagaan talaga natin na magbigay linaw at e-educate ang mas maraming social media user hinggil sa responsibilidad nila”, pahayag ni Arao.
Muling pinaalalahanan ni Arao ang mga netizens na maging responsable at tutulan ang anumang hangarin ng gobyerno na magkaroon ng batas laban sa pekeng balita sa social media.
“Maging responsible sana tayo dun sa ating paggamit ng media at tutulan natin ang anumang hangarin ng gobyerno para magkaroon ng regulasyon sa internet sapagkat ito ay pwedeng magtangka sa ating kalayaan sa pamamahayag, nasa atin ang mga kamay para magkaroon ng makabuluhang edukasyon at makabuluhang pagbabago sa ating lipunan sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng tamang impormasyon lamang”
Binigyan rin ng punto ni Arao na pwedeng i-expose ng mga biktima ng cyber bullying sa kanilang social media accounts kung sino ang nang bu-bully sakanya at ipaliwanag kung bakit ito naging biktima ng cyber bullying.
Samantala, pinayuhan rin ni Arao ang publiko na huwag basta-bastang mag share ng mga nabasang balita, mahalaga umanong suriin ito ng mabuti at huwag nang ipamahagi pa sa iba.
By: Race Perez
Credits to Balita Na Serbisyo Pa program of DWIZ mapapakinggan tuwing Lunes hanggang Biyernes, 5:00 PM to 7:00 PM kasama sina Jun Del Rosario at Mariboy Ysibido