Walang direktang tugon ang AFP o Armed Forces of the Philippines sa mungkahi ni House Speaker Pantaleon Alvarez na palawigin nang limang taon ang ideneklarang martial law sa Mindanao.
Sa Mindanao Hour sa Malakanyang, sinabi ni AFP Spokesman Brig/Gen Restituto Padilla na patuloy pa rin ang kanilang ginagawang assessment kaugnay ng sitwasyon sa Marawi City kaya wala siyang masagot sa nasabing mungkahi.
Aniya, hindi alam ng AFP kung ano ang naging batayan at hawak na impormasyon ni Alvarez.
Dagdag ni Padilla, hindi pa nila masabi kung kailangang palawigin ang martial law sa Mindanao bago ang nakatakdang pagtatapos nito sa Hulyo 22.
“Hindi ko alam kung anong pinagbabatayan ni Speaker maaaring may impormasyon siya na hindi naming nakalap at kami naman ang pinagbabatayan namin is ‘yung threats na hinaharap natin ngayon, and the feeling is something that maybe subjective.”
“So, that is part of the partial of the assessment that we are making so that before 60 days comes, we will have… list recommended whether to extend it [martial law in Mindanao] or not, to the President [Duterte].”
Palasyo dapat magbigay ng batayan sa extension ng martial law – Roque
Sapat na ang panibagong animnapung (60) araw sakaling ihirit ni Pangulong Rodrigo Duterte ang extension ng ipinatutupad na martial law sa Mindanao.
Ito ang inihayag ni Kabayan Party-list Representative Harry Roque, kasabay ng pagtutol sa panukala ni House Speaker Pantaleon Alvarez na pagpapalawig ng martial law sa Mindanao hanggang 2022.
Giit pa ni Roque, kailangan din magbigay ng sapat na batayan ng Malakanyang para sa pagpapanukala ng martial law extension.
Paliwanag rin ng mambabatas, kailangan lamang ay magbotohan ang dalawang kapulungan ng kongreso kaugnay ng pagpapalawig ng batas militar kahit hindi na magsagawa ng joint session.
By Krista De Dios | Story from Aileen Taliping / Jill Resontoc