Hindi minasama ng ilang Senador ang naging banta ni Kabayan Partylist Rep. Harry Roque sa sandaling siya’y maupo na bilang bagong tagapagsalita ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Senate Majority Leader Tito Sotto, kaniya- kaniyang istilo aniya ang ginagampanang tungkulin ng mga opisyal at kawani ng pamahalaan.
Para naman kay Senador JV Ejercito, dapat aniyang maunawaang maigi ni Roque na hindi niya dapat na inaaway ang sinumang mga inaaway ng Pangulo kahit pa siya ang opisyal na tagapagsalita nito.
Tiwala si Ejercito na mabigat ang naka-atang na pananagutan ni Roque bilang Presidential Spokesman dahil sa kailangan nitong maipa-unawa sa publiko ang mga nais sabihin ng Pangulo na kilala sa kaniyang mabulaklak ngunit matapang na pananalita.