Dapat asikasuhin na ng gobyerno hanggang sa susunod na linggo ang pagkuha ng dagdag na health workers.
Ayon ito kay Professor Ranjit Rye bagamat bumababa na ang reproduction number sa Metro Manila na ngayo’y nasa 1.01 na lamang subalit tiwala silang mababawasan pa ito.
Sinabi sa DWIZ ni Rye na dapat tuparin ng gobyerno ang pangakong dagdagan ang mga nurse at doktor dahil nakikita talaga nilang hindi mapapakalma ang punuang mga ospital.
Tao at hindi lamang pagtaas ng kama ang dapat tutukan habang patuloy na pinalalakas ang testing, contact tracing at treatment.
Testing, tracing, isolation, ang higit na kailangang gawin, tapos treatment, i-expand ang capacity. I-expand ang capacity, hindi lang magdadagdag ng kama, magdadagdag ng tao talaga,” ani Rye.
Ayon pa kay Rye, kailangang doblehin o i-triple ang 30,000 tests kada araw, samantalang mabagal pa rin ang pagsasagawa ng contact tracing lalo na’t ilang linggo na ring sumisirit ang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
‘Yung testing po kailangan doblehin natin. Ano ‘yung sinasabi kong doblehin? Uma-average tayo ng 30,000 tests a day, sana umabot na ng 60-90,000. Makakatulong siguro ang antigen kasi marami ring naa-identify, e, ” ani Rye. —sa panayam ng Serbisyong Lubos sa 882