Isinusulong ni Senador Grace Poe ang imbestigasyon sa sunud-sunod na aberya sa Metro Rail Transit o MRT.
Sinabi ni Poe na dapat matukoy at mapanagot ang nasa likod ng mga nasabing aberya kaya’t kailangan na itong imbestigahan ng Senate Blue Ribbon Committee.
Ayon kay Poe, naimbestigahan na ng kaniyang Senate Committee on Public Services ang usapin subalit dapat na aniyang pumasok ang mas makapangyarihang Blue Ribbon sa isyu dahil sa matinding problema na sa operasyon ng MRT.
Target ni Poe na maipahanap ang kumuha sa Busan Rail Incorporated o BURI na siyang dating maintenance provider ng MRT at siyang dapat na tumitiyak sa maayos na takbo ng nasabing tren.
Inihayag ni Poe na lumitaw na isang Marlo dela Cruz, umano’y malakas sa dating administrasyon at kaalyado ng Liberal Party na hindi naman napaharap sa hearing ng public services committee noon ang siyang nasa likod nang pagkuha sa BURI.
Nais magisa ni Poe ang mga dating DOTr officials na nag-apruba sa pagbili ng Dalian Locomotive ng 48 bagon ng MRT na hindi papakinabangan dahil overweight at hindi akma sa riles at signalling system ng MRT.
(Ulat ni Cely Bueno)