Halos lahat tayong mga nagtratrabaho, nakaranas na ng delayed payday. Hindi ba isang araw lang na ma-late ang sahod, nakakainis na? Isang araw lang yun ha. Paano pa kaya kung 8 years? Ang hirap i-imagine, di ba? Unfortunately, hindi lang ito imagination para sa higit 10,000 displaced overseas Filipino workers (OFWs) sa Saudi Arabia.
Ito ang natuldukan sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na inanunsyong nagbayad na ang pamahalaan ng Saudi sa OFWs na nawalan ng trabaho noong 2015 at 2016.
Mula 2015 hanggang 2016, nag-file ng bankruptcy ang ilang construction companies sa Saudi. Labis nitong naapektuhan ang mga kababayan natin sa naturang industriya dahil hindi na nga sila nabigyan ng sahod, nawalan pa sila ng hanapbuhay.
Noong August 17, 2023, inanunsyo ng Department of Foreign Affairs (DFA) na hindi realistic na mabayaran ang OFWs sa taong iyon. Ngunit tiniyak naman ni DFA Undersecretary Eduardo Jose de Vega na hindi ito imposibleng mangyari kung ipagpapatuloy ng Pilipinas na i-pressure ang pamahalaan ng Saudi.
Isa ito sa mga naging prayoridad ni Pangulong Marcos sa pagpunta niya sa Saudi upang makilahok sa Association of Southeast Asian Nations-Gulf Cooperation Council (ASEAN-GCC) Summit noong October 20, 2023. Matapos ang kanyang official visit, tiniyak ng Pangulo na makukuha ng OFWs ang kanilang sahod.
At ngayong February 6, 2024, masayang inanunsyo ni Pangulong Marcos na nagsimula nang makuha ng OFWs ang kanilang pinakahihintay na backpay at compensation.
Nagpasalamat naman si KABAYAN Party-list Rep. Ron Salo sa Department of Migrant Workers (DMW) at kay Pangulong Marcos sa matagumpay na pagpapalabas ng sahod ng Saudi OFWs.
Aniya, dahil sa malakas na international at diplomatic relations ni Pangulong Marcos sa Saudi, napabilis ang pagbibigay ng pending salaries at benefits ng OFWs na ilang taon na nilang hinintay.