Sinong lubos na mag-aakala na nang dahil sa isang hindi nahugasang blender sa isang coffee shop ay magtatapos ang buhay ng isang bata?
Kung paano ito nangyari, alamin.
Sa Southwark Park Road sa South-East London, matatagpuan ang Pop Inn Café kung saan nagpunta ang 12-anyos na si Mia St. Hilaire at um-order ng milkshake.
Pero hindi pa man naeenjoy ng bata ang kaniyang inorder na pampalamig, isinugod na agad ito sa ospital makalipas lang ang ilang sandali matapos niya itong inumin.
Iyon ay dahil nakaranas ng anaphylactic shock ang bata. Pero ano nga ba talaga ang nagdulot nito? Paano nangyari na nang dahil sa shake ay kinailangang isugod sa ospital ang bata?
Lumabas sa CCTV footage ng shop na hindi pala nalinisan ng operator nito na si Baris Yucel ang blender bago ginawa ang order ni Mia.
Napag-alaman din mula sa mga magulang ni Mia na sina Adrian at Chanel na mayroon palang tree nut allergy ang kanilang anak na posibleng na-trigger dahil sa naunang inumin na ginawa sa blender na baka mayroong nakahalo na mani.
Labis na sakit ang iniwan ng insidente sa mga magulang ni Mia at sinabi sa isang pahayag na araw-araw daw nilang naiisip ang kanilang anak na makakasama pa sana nila nang matagal kung napigilan lang ang pangyayari.
Samantala, ang nasabing café operator na si Yucel ay nagkaroon na pala ng anim na charges nito lamang Disyembre at kabilang din doon ang paghahain ng pagkain na mayroong allergic ingredient.
Gayunpaman, pinagbabayad ng multa ang coffee shop operator na si Yucel ng 18,000 euros at magsasagawa rin ng isandaang oras ng community service, na para naman sa food allergy charity na Natasha Allergy Research Foundation ay hindi sapat para sa pinsala na idinulot nito.
Ikaw, ano ang masasabi mo sa masalimuot na karanasan ng bata?