Hinimok ng isang grupo ng mga konsyumer ang Department of Agriculture (DA) na mahigpit na bantayan ang presyo ng mga ibinebentang manok sa mga pamilihan.
Ito ay matapos mapuna ng grupong Laban Konsyumer Incorporated (LKI) ang hindi normal na sobrang pagtaas sa presyo ng ibinebentang karne ng manok nitong Setyembre at Oktubre.
Batay sa monitoring ng LKI sa farm gate price sa mga nakalipas na buwan hanggang unang linggo ng Oktubre, tumaas ng 15 pesos ang kada kilo ng maliit na sukat na manok.
Katumbas ito ng 115 pesos na farm gate price ng regular size na manok kumpara sa 100 pesos noong nakaraang buwan.
Dahil dito, pumalo anila sa 160 pesos hanggang 190 pesos kada kilo ang retail price ng manok sa mga pamilihan.
Isinisisi naman ng LKI sa outbreak ng African Swine Fever (ASF) sa bansa ang pagtaas sa demand ng manok at presyo nito kasabay pa ng papalapit na rin na kapaskuhan.