Itinanggi ni Communist Party of the Philippines Founder Jose Maria “Joma” Sison ang mga balitang kumakalat sa social media na patay na siya.
Ito’y makaraang bumaha sa social media, partikular sa Facebook ng balita sa kanyang pagpanaw bago ang pagdiriwang ng kanyang ika-83 taong kaarawan.
Ayon kay Sison, pawang mga sinungaling ang nagpapakalat ng mga nasabing impormasyon.
Sa katunayan anya ay nakararanas lamang siya ng pamamaga ng hita dahil sa rayuma dala ng katandaan.
Samantala, sinisi naman ni CPP Information Officer Marco Valbuena sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang naturang fake news.
Iginiit ni Valbuena na ang NTF-ELCAC at trolls nito sa FB at Twitter ang nagkakalat ng balitang pumanaw na si Sison.