Labis na ikinairita at ikinadismaya nina Senate Finance Committee Chairman Loren Legarda, Senator Juan Miguel Zubiri at Minority Leader Franklin Drilon ang pag-isnab ng mga opisyal ng Road Board sa hearing ng budget ng D.P.W.H. at mga attached agency nito.
Sa halip na dumalo, sumulat ang Executive-Director ng Road Board na si Luisito Clavano na nagsabing hindi na umano sila nakapa-ilalim sa D.P.W.H. sa halip ay nasa ilalim na sila ng Office of the President.
Ito ang dahilan ng pagka-irita at pag-init ng ulo nina Legarda lalo’t marami pa namang issue na itatanong sa mga taga-Road Board.
Dahil dito nagsagawa ng manifestation sa sesyon kahapon si Zubiri at hiniling kay Senate President Koko Pimentel na gamitin ng Senado ang kapangyarihang i-contempt ang mga taga-Road Board upang mapuwersa ang mga ito na dumalo sa budget hearing.
Gayunman, inihayag ni Drilon na wala ng oras para ipa-subpoena at ipa-contempt ang mga taga-Road Board kaya’t ang maigi ay bilisan na lang ang pagbuwag sa naturang ahensya.
Ulat ni Cely Ortega-Bueno
SMW: RPE