Nagtataka ang political analyst na si Professor Antonio Contreras kung bakit hindi napabilang sa binanggit ni Pangulong Noynoy Aquino ang Freedom of Information Bill (FOI) sa huli nitong ulat sa bayan.
Ayon kay Contreras, kaduda-duda rin ang pahayag ng Pangulo na humihimok sa kongreso na isulong ang Anti-Dynasty Bill gayong kabilang din ang Punong Ehekutibo sa mga maimpluwensyang political family.
Sa katunayan aniya ay marami sanang dapat inungkat na mas mahalagang issue ang Pangulo sa kanyang huling ulat sa bayan sa halip na maglabas ng walang kamatayang batikos sa nagdaang administrasyon.
“Alam mo ‘yung Freedom of Information Act kung bakit wala ‘yun, hindi ko alam kung bakit hindi niya isinama, maaaring maraming tao ang natuwa doon sa ipinasok niyang Anti-Dynasty, para sa akin parang pilit eh, parang hindi sincere, parang pilit ang pagkakalagay sa Anti-Dynasty Law kasi alam mo naman talaga na may gusto lang siyang patamaan doon eh, at alam naman natin siguro na mahihirapan nang ipasa ‘yun.” Pahayag ni Contreras.
UNA dismayado din
Dismayado ang United Nationalist Alliance o UNA nang hindi mabanggit ni Pangulong Noynoy Aquino sa kanyang huling State of the Nation Address ang Freedom of Information Bill.
Ayon kay UNA President at Navotas Rep. Toby Tiangco, ipinaglaban sana ni Pangulong Aquino ang pagpasa sa FOI lalo’t kabilang ito sa kanyang mga naging plataporma noong 2010 election campaign.
Bagaman dismayado rin ni Senador JV Ejercito sa hindi pagbangit ng pangulo sa FOI, binigyan naman ng mambabatas ng pasadong grado ang administrasyon pagdating sa mga reporma.
Gayunman, marami pa aniyang dapat tutukan si Pangulo tulad sa imprastraktura at sektor ng agrikultura.
By Drew Nacino | Kasangga Mo Ang Langit