Walang epekto sa takbo ng administrasyon at relasyon ng Pilipinas sa ibang bansa ang hindi paglusot ni Foreign Affairs Secretary Perfecto Yasay sa Commission on Appointments.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel Atty. Salvador Panelo, nalungkot siya sa naging kapalaran ni Yasay pero hindi ito dahilan upang madiskaril ang pagpapatakbo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa bansa.
Wala rin aniyang nakikitang epekto sa bilateral relations ng Pilipinas sa iba’t ibang bansa dahil maaari namang magtalaga ang Pangulo ng bagong DFA Secretary.
Kahapon ay muling nabigo si Yasay na makapasa sa makapangyarihang CA dahil sa isyu ng kanyang citizenship.
Si Senator Alan Peter Cayetano ang nakikita ni Panelo na posibleng ipalit kay Yasay subalit dahil sa umiiral na appointment ban sa mga kumandidato noong nakalipas na halalan ay kailangan muna ng officer-in-charge sa DFA hanggang sa opisyal na anunsiyo ang papalit kay Yasay.
By: Drew Nacino / Aileen Taliping