Posibleng magkaroon ng problema ang administrasyon kung hindi susundin ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang napagkasunduang term sharing kay Marinduque Representative Lord Allan Velasco.
Ito ang inihayag mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos sabihin ng ilang mga kongresista na posibleng magtuloy-tuloy na ang pag-upo ni Cayetano bilang pinuno ng kamara.
Ayon kay Pangulong Duterte, siya mismo ang nag-anunsyo sa napagkasunduan nilang tatlo nina Cayetano at Velasco ang term sharing kaya magkakaroon ng problema kung hindi ito masusunod.
Gayunman sinabi ng pangulo na sa ngayon ay maituturing pa lamang na hypothetical o teorya ang nabanggit na sitwasyon at saka na lamang nila sosolusyonan kapag nangyari na ito.
Una nang sinabi ni Cayetano na kanyang susundin ang magiging pasya ni Pangulong Duterte kung ipagpapatuloy pa ang kanyang termino bilang house speaker matapos ang napagkasunduang 15 buwan.