Umapela ang pamunuan ng Department of Education (DEPED) sa mga magulang ng mga estudyante na nag-aaral sa ilalim ng distance learning na huwag tangkilikin ang alok ng iilan na ‘sagot for sale.’
Ayon kay DEPED Undersecretary Nepomuceno Malaluan, dapat ‘wag kumagat ang mga magulang sa naturang mga alok na pagpapasagot ng mga learning modules ng kanilang mga anak.
Dagdag pa ni Malaluan, kung walang tatangkilik sa alok na ‘sagot for sale’, panigurado aniya na unti-unting mamamatay ang ganitong alok ng iilan.
Sa ngayon, tiniyak ng DEPED na kanila na itong pinaiimbestigahan.
Kaugnay nito, sa panayam ng DWIZ kay Senador Sherwin Gatchalian, sinabi nito na mahirap itong masupil ng DEPED kaya’t nasa kamay na ng mga matataas na opisyal ng paaralan, mga guro, maging sa mga magulang ng mga mag-aaral para matigil ang ganitong gawi.
Sa huli, binigyang diin pa ni Gatchalian na tanging mga mag-aaral din ang dehado sa ganitong pamamaraan dahil wala aniyang matututunan ang mga ito.
Maging alisto at maging alerto po ang ating mga guro at mga punong-guro natin. Dahil mahirap yang madetect ng DEPED central, itong mga teachers lang natin ang nakakarinig niyan, of course yung mga PTA natin naririnig ‘yan. Paalala po natin muli sa ating mga magulang, itong ginagawa nila, pagsagot at pagbabayad ng sumasagot, hindi maganda ‘yan para sa bata ang dehado diyan ay yung bata e’ dahil hindi natututo ang bata. ” pahayag ni Senator Sherwin Gatchalian.