Hindi maaaring maipatupad ang verbal agreement sa pagitan ng Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese President Xi Jinping hinggil sa pangingisda ng China sa exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
Ayon kay Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr., kinakailangan ng dokumento para masabing mayroong nagyaring kasunduan.
Binigyang diin ni Locsin na ang reyalidad sa kasalukuyan ay hindi pinapayagan ang China na makapangisda sa EEZ ng bansa tulad ng Recto Bank.
Sa ilalim anya ng UNCLOS, pinapayagan lamang mangisda ang mga dayuhan sa EEZ ng isang bansa kung mayroong excess o sobra-sobra ang isda sa lugar, batay sa pag-aaral at pagtaya ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources.
Ipinaliwanag ni Locsin na posibleng may nakapagsabi sa pangulo na mayroong excess ng isda sa mga EEZ ng bansa kaya’t pumasok ito sa verbal agreement kay Xi Jinping.