Lubos na ikinaalarma ng CHR o Commission on Human Rights ang naitalang pinakamataas na bilang ng mga nasawing drug suspects sa serye ng mga operasyon ng pulisya sa Bulacan, Maynila at Caloocan sa nakalipas na linggo.
Ayon kay CHR Spokesperson Atty. Jackie De Guia, higit nilang ikinabahala ang inisidente sa Caloocan City kung saan nasawi ang isang menor de edad na si Kian Loyd Delos Santos matapos umanong manlaban sa mga pulisya.
Giit ni De Guia, nakasaad sa batas na hindi maaaring hulihin at higit sa lahat ay patayin ang isang menor de edad na nasasangkot sa isang krimen at sa halip ay dapat isailalim sa isang programa para magbago.
Hindi po pinapayagan sa ilalim ng ating mga batas ang paghuli lalo na po ang pagpatay sa isang menor de edad at tungkulin po ng estado kasama ‘yung kanyang mga magulang, DSWD at barangay at lokal na pamahalaan na magbigay ng isang intervention program doon sa bata para masagip pa po ‘yung bata.
Kung meron mang sinasabing masamang impluwensya na nangyayari o masamang circumstances dapat po narereporma ang mga bata dahil bata pa po sila.
Kasabay nito, tiniyak ni De Guia na kanilang tututukan ang imbestigasyon sa kaso ni Kian Loyd Delos Santos para mabigyan ng hustisya at masiguro na rin ang proteksyon pa iba pang mga kabataan.
Very important ‘tong case na ‘to dahil menor de edad.
At ito din po ang unang pagkakataon na meron pong claim ang PNP na nanlaban po ang isang menor de edad.
Gagawin po namin ito para siguraduhing lahat ng ating kabataan ay protektado sa mga ganitong insidente dahil vulnerable sector po sila, sila po ay kinakailangan bigyan ng special protection assistance hindi po ng CHR lamang pati buong estado.
By Krista De Dios | Panayam ng programang Balitang Todong Lakas