Nanindigan si Private Hospitals Association of the Philippines Incorporated o PHAPI President Rustico Jimenez na wala silang tinatanggihang pasyente at hindi rin sila nanghihingi ng deposit.
Sinabi ni Jimenez na nagkakaroon lamang ng ilang insidente kung saan pinapalipat sa pampublikong ospital ang pasyente, subalit ito ay kapag stable na ang kalagayan nito.
Umaasa rin aniya silang magkakaroon ng kahit kaunting insentibo ang pribadong ospital para sa mga serbisyo nito.
“Talaga naman pong sinusunod na po yan eh kaya naman po sabi ko wag na pong palawigin pa kasi wala namang mangyayari dyan dahil political will lang yan. Yun pong gagastosin ng private hospital dyan wala naman pong magbabayad eh. San po kukuha ng pang gastos ang mga hospital? Ipangbabayad sa gamot na bibilhin na hindi naman naming nakukuha ng libre. Hinihiling po namin na mabigyan kami ng kahit konting incentive ng gobyerno doon sa mga iginastos namin”, ani Jimenez.
Malaking tulong aniya sa mga pribadong ospital kung pagagandahin din ng pamahalaan ang mga pampublikong ospital, upang maiwasan na ang paglilipat ng mga pasyente.
“Public hospitals, yung DOH at saka iba pang local government pagandahin talaga nila yung mga government hospital, magbigay sila ng pondo para po hindi na ililipat sa private hospital dun na lang sa government. Sinasabi ng DOH pinaganda nila pero pag tiningnan natin yung mga government hospitals wala naman pong pagbabago eh. Mindanao nay an, liblib na lugar sa Visayas, wala hong nag ma-man, walang nurses, walang gamit. Eh siyempre kung ikaw naman yung magulang mo serious na dadalhin mo na sa private hospital”, bahagi ng pahayag ni PHAPI President Rustico Jimenez, sa panayam ng DWIZ.
By Katrina Valle | Ratsada Balita Program (Interview)