Inaalmahan ng mga residenteng naninirahan sa dalampasigan ng Nasugbu, Batangas ang pagkasira umano ng kanilang kapaligiran at karagatan, na naka-aapekto na sa kanilang kabuhayan.
Ito’y dahil sa hinihinalang black sand mining operations sa kanilang lugar, partikular sa barangay Bucana.
Ayon sa ilang barangay official, unti-unti nang kinakain ng sand mining ang baybayin at una sa posibleng maapektuhan ang mga beach resort, gaya ng Villa Fortuna, joyful paradise at bahagi ng Recuerdos De Playa.
Batay sa mga nakalap na dokumento ng Dwiz-Aliw 23, nagsasagawa ng dredging at desilting operations upang palalimin ang Bucana River na nasa pagitan ng mga bayan ng Nasugbu at Lian, na dumadaloy hanggang Tagaytay City, Cavite.
Pinangungunahan ito ng sinasabing australian firm na PH-AU Diversified solution group of companies incorporated.
Kinontrata ng provincial government ang PH-AU na mag-transport at mag-dispose ng 37,800 cubic meters ng buhangin at silt materials na nahuhukay o nakukuha sa loob ng 2 hectares na bahagi ng 19.9 hectares ng Bucana river.
Gayunman, ipinagtataka ng mga residente at mga mangingisda kung bakit sinimulan ng dredger ang paghahakot ng buhangin sa fortune island patungong ilog gayong dapat magmula ito sa ilog palabas ng dagat.
Una nang inihayag ni Chamber of M,ines of the Philippines Executive Director Ronald Recidoro na kapansin-pansing may ilang contractor na nag-de-dredging ng ilog pero kinukuha ang buhangin gayong dapat ay iniiwan o inihihiwalay lamang ito.
Isa anya ito sa mga halimbawa ng black sand mining na mahigpit na ni-re-regulate sa pilipinas at maaari lamang isagawa sa mga partikular na lugar.
Sa ilalim ng Republic Act 7942 o Philippine Mining Act of 1995, ipinagbabawal ang mining sa offshore areas sa loob ng 500 meters habang 200 meters naman kapag sa onshore areas.
Samantala, nakikipag-ugnayan na ang Dwiz-Aliw 23 kay Batangas Governor Hermilando Mandanas at Department of Environment and Natural Resources upang mabigyang linaw ang katangungan ng mga taga-Nasugbu.