Patay ang isang hinihinalang bomb courier matapos makipagbarilan sa pulisya at militar sa Cotabato City.
Batay sa ulat, tumanggi ang isang lalaki na tumigil sa inilagay na checkpoint ng mga awtoridad sa bahagi ng East Diversion Road sa Barangay Tamontaka 2.
Sa halip, nagpaputok umano ng baril ang lalaki dahilan kaya nauwi sa engkuwentro ang insidente na ikinamatay naman nito.
Narekober sa lalaki ang iba’t ibang ID, isang cellphone, limang libong pisong (P5,000) cash at isang calibre .45 baril.
Habang nakita ng explosive ordinance and disposal team sa motorsiklo nito ang isang improvised explosive device o IED at isang cellphone.
Una nang nakatanggap ng impormasyon ang militar na may ipapasok na IED sa Cotabato City.
—-