Isang hinihinalang drug pusher ang iniwang wala nang buhay sa Caloocan City.
Sa kuha ng CCTV makikitang dumating ang dalawang puting sasakyan at isang motorsiklo sa Francisco Street, Barangay 75.
Agad na bumaba mula sa van ang dalawang lalake na naka-jacket at naka-mask, at binuksan ang trunk o likurang bahagi ng sasakyan habang nagsilbi namang lookout ang sakay ng kotse at ng motorsiklo.
Makikita ring bumaba ang isa pang lalaking nakabonnet nang may isang naka-motorsiklong sibilyan na dumaan sa lugar.
Ilang sandali lamang, umalis din ang mga ito at iniwang nakahandusay ang lalake na nakapackaging tape ang mukha, nakatali ang paa, at may karton sa dibdib na may nakasulat na ‘ tulak ako, wag tulara: susunod na kayo!”
May mga natagpuan ding basyo ng bala sa lugar.
Positibo namang kinilala ni Barangay Captain Augusto Nadal, na tulak ng droga sa kanilang barangay ang biktima na nakilala lamang sa alyas na “nap” at matagal na aniya nilang binabantayan.
Dati na aniya itong naaresto at nakulong dahil sa mga ilegal na aktibidad.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga otoridad sa insidente.