Sisimulan na ng Bureau of Immigration (BI) ang imbestigasyon sa sinasabing tangkang pagpupuslit-palabas ng bansa sa tatlong indibidwal na hinihinalang biktima ng Human Trafficking.
Sa Facebook post ni Immigration Commissioner Norman Tansingco, inatasan na nito ang kanyang mga tauhan na imbestigahan ang insidenteng ito na naganap noong November 6 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon kay Tansingco, base sa kanilang Initial Report, pawang peke ang mga iprenesentang ID, passport at boarding pass ng dalawang babae at isang lalake na kanilang naharang sa paliparan.
Sinubukan pa aniyang iwasan ng mga biktima ang Immigration Inspection sa pamamagitan ng pagdaan sa employees entrance gamit ang fake passes.
Dagdag pa ng Immigration official na tinangka ring sumakay ng tatlo sa magkakahiwalay na flight patungong Bangkok, Kuala Lumpur, at Singapore.
Ngunit lumalabas ani Tansingco sa naging pag-amin ng isa sa mga biktima, na sa Lebanon ang kanilang orihinal na destinasyon upang doon maghanap ng trabaho ng walang pinanghahawakan na anumang legal na dokumento.