Laglag sa kamay ng mga otoridad ang isang hinihinalang miyembro ng Dawlah Islamiya group.
Iniharap sa media ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Camilo Cascolan ang suspek na si Kevin Madrinan, na kilala rin bilang Ibrahim Abdullah Madrinan o Ibrahim Khalil Al-Garaba, na umano’y nagsisilbing contact person at liaison sa Luzon ng mga miyembro ng Dawlah Islamiya sa Maguindanao at mga lokal na terorista mula sa Sulu sa ilalim ng Abu Sayyaf bomb maker na si Mundi Sawadjaan.
Ayon kay Cascolan, si Madrinan ay naaresto ng mga otoridad sa Atherton Corner Burbank Street sa North Fairview, at nasabat dito ang isang caliber .45 pistol na mayroong high capacity magazine, isang hand grenade at tatlong piraso ng P1,000.
Inihayag pa ni Cascolan na si Madrinan ay naging Luzon liaison matapos maaresto si Datu Omar Palte sa Quezon City noong Enero.
Dahil dito, tiniyak ni Cascolan ang mahigpit na pagbabantay sa border ng Metro Manila para hindi makapasok ang mga terorista. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)