Patay ang hinihinalang sub-leader ng Abu Sayyaf Group sa ikinasang operasyon ng pulisya sa Zamboanga City.
Kinilala ang nasawing suspek na si Arrasid Adjing Halissam alyas Guru Ara na sinasabing pinagkakatiwalaang tauhan ng napatay na lider ng ASG na si Isnilon Hapilon.
Batay sa ulat, magsisilbi lamang ng warrant of arrest ang mga miyembro ng Philippine National Police laban kay Halissam dahil sa kasong illegal possession of explosives nang bigla na lamang ito mamaril.
Dahil dito, gumanti ng putok ang mga nagsisilbing mga pulis na nagresulta sa pagkamatay ni Halissam.
Maliban sa pagiging trusted aide ni Hapilon, nagsilbi rin si Halissam bilang facilitator o tagapangasiwa ng Malaysian terrorist na si Zulkifli Bin Hir Alias Marwan.
Dagdag ni PNP Intelligence Group Acting Director Police Col. Warren De Leon, nanumpa rin ng katapatan sa ISIS si Halissam noong 2014 kasama si Hapilon.
Kabilang din sa mga pinakahuling aktibidad na kinasangkutan nito ang nangyaring pag-atake sa Jolo, Sulu at military detachment sa Indanan gayundin ang recruitment para sa Dawlah Islamiya at Financier ng ASG.