Kinukunsidera nang suspek ang isa sa dalawang persons of interest kaugnay sa pagpatay kay Assistant Special Prosecutor Madonna Joy Ednaco-Tanyag.
Nakilala ang suspek na si Angelito Avenido na una nang naaresto ng mga awtoridad sa barangay Culiat sa Quezon City at kung saan narekober ang ilang personal na gamit ng biktima.
Ipinabatid ni PNP Chief Oscar Albayalde na nagpositibo rin si Avenido sa illegal drugs at ito ay tumakas mula sa General Santos City kung saan nahaharap rin sa stabbing incident.
Dalawa aniyang testigo ang hawak nila para patunayang si Avenido talaga ang nasa likod ng krimen at nakatakda nilang kasuhan ng robbery with homicide.
Bukod pa ito ayon kay Albayalde sa CCTV footage na nakuha ng mga awtoridad kung saan nakitang tumatakbo si Avenido matapos gawin ang krimen.
Magugunitang ang buntis na si Tanyag ay tatlong beses na pinagsasaksak ng suspek nang papasakay na sa kanyang sasakyan sa Visayas Avenue sa Quezon City matapos dumalo ng hearing sa Sandiganbayan.
JUST IN: Suspek sa pagpatay kay Ombudsman special assistant prosecutor Madonna Joy Ednaco Tanyag, naaresto na ng pulisya.
Kinilala itong si Angelito Avenido. Kakasuhan siya ng robbery with homicide | via @JonathanAndal_ pic.twitter.com/qFws6Uldw8— DWIZ Newscenter (@dwiz882) June 5, 2018
Samantala, nagpapasalamat ang asawa nang pinaslang na Special Assistant Prosecutor ng Ombudsman sa agarang pagkakaaresto sa suspek sa krimen.
Sinabi ni Dr. Cris Tanyag, asawa ni Special Assistant Prosecutor Madonna Joy Ednaco-Tanyag na natutuwa siya sa mabilis na pagkakadampot kay Angelito Avenido na kakasuhan ng robbery with homicide matapos ang nasabing krimen.
Ang mabilis aniyang pagkakaaresto sa pumatay sa kaniyang asawa ay patunay lamang ng mabilis na hustisya sa kanilang kaso.
Kaugnay nito, mariing kinondena ni Ombudsman Conchita Carpio Morales ang nakalulunos na sinapit ni Tanyag at tiniyak na mapapanagot sa batas ang mga nasa likod ng pagpatay sa kanya.
Hiniling din ni Morales sa Pambansang Pulisya na masusing imbestigahan ang naturang kaso lalo’t tinitingnan ang anggulong may kinalaman sa kanyang trabaho bilang taga-usig ng krimen.
Kasabay nito, nagpaabot din ng pakikiramay si Morales sa lahat ng mga naulila ni Tanyag, partikular na sa naiwang pamilya nito.
(May ulat mula kay Jonathan Andal)