NAKARANAS umano ng matinding pananakot ang mga residente ng Barangay Ambolodto sa bayan ng Datu Odin Sinsuat sa Maguindanao del Norte.
Ito ang ibinunyag ng mismong punong barangay na si Loay Keith Sinsuat kung saan isiniwalat niya na naranasan ito ng ilang residente bago ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Bilang aksyon, nagbigay ang punong barangay ng opisyal na liham kina Municipal Commission on Elections (Comelec) Election Officer Jeffrey Lala at Municipal Administrator Datu Esreal Sinsuat noong Oktubre 26,2023 na naglalaman ng mga naiulat na kaso ng umano’y terorismo na ginawa ng mahigit dalawampung katao dahilan upang matakot ang mga residente sa Barangay Ambolodto.
Noong Oktubre 24,2023, isiniwalat ni Sinsuat na mayroong dalawang pick-up truck na ‘di-umano’y pagmamay-ari ng mag-asawang Jojo Limbona at Hiejira Limbona, Mindanao State University Maguindanao Chancellor, at umikot sa barangay upang kunan ng video ang mga bahay at tao sa labas ng kanilang mga tahanan, dahilan para magdulot ng pagkataranta sa mga residente at lisanin ang kanilang mga tahanan.
Nabatid na noong Oktubre 26, 2023 naman, bandang alas-11:00 ng umaga, isa pang grupo ng mga indibidwal ang sinasabing dumating sa Sitio Baloi at walang habas umanong pinagsisira ang mga paraphernalia o campaign posters ng ibang mga kandidato sa lugar.
Samantala, makikita naman umano sa CCTV Footage sa mismong araw ng halalan ang mag-asawang Limbona na sinasabing kinokontrol ang isang presinto kung saan idinadaos ang botohan.
Nagpa-blotter naman sa pulisya ang isang poll watcher kung saan inakusahan nito si Jojo Limbona na sinuntok siya ng suspek dahil iba ang sinusuportahan sa pulitika.
Ayon pa kay Sinsuat, isa itong malinaw na paglabag sa kasunduan sa dayalogo na dinaluhan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno gaya ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) kaugnay ng BSKE.
Sinabi ni Sinsuat na may nauna nang pormal na kasong terorismo na inihain laban sa mga hinihinalang sangkot sa pananakot at karahasan sa kanilang barangay kung saan lumabas din umano sa imbestigasyon ang sabwatan ng mga salarin sa gawaing ito na nagdulot ng panganib sa buhay ng mga residente, pinsala sa pampublikong lugar, at pribadong ari-arian.
Kasabay nito, nanawagan din ang opisyal sa Comelec, AFP, at iba pang ahensya ng pamahalaan na tutukan ang kaso ng karahasan sa kanilang barangay upang manumbalik ang matiwasay at mapayapang pamumuhay ng mga residente sa nasabing lugar.