Timbog ang isang umano’y hired killer na nasa likod ng pamamaril kay Mayor Avelino Amangyen ng Paracelis, Mountain Province at pagpatay sa isang opisyal ng barangay at isang pulis.
Ayon kay Criminal Investigation and Detection Group o CIDG Chief Director Roel Obusan, nagpapanggap na miyembro ng Philippine Army para makakuha ng mga kontrata sa pagpatay ang suspek na si George Ginabay ng Quezon, Nueva Vizcaya.
Sinabi ni Obusan na karamihan sa mga biktima ni Ginabay ay mga local politician at pinakamababang bayad sa kanya ay P100,000.00.
Ipinabatid ni Mayor Amangyen na galing siyang Paracelis at patungo sa Santiago City sa Isabela at nakita niyang flat ang gulong ng kanyang sasakyan nang lumabas siya ng bangko at noong umikot siya ay may sumaksak sa kanya.
Kaagad aniya siyang pumara ng isang tricycle na nagdala sa kanya sa ospital.
Si Ginabay na nagpapakilalang Sergeant George Ginolbay ay naaresto sa Diadim, Nueva Ecija habang nakikipag – usap sa isang lokal na pulitiko.