Hindi napagpasiyahan sa naging pagdinig ng House Committee on Legislative Franchises at Good Government and Public Accountability ang hirit na 25 taong prangkisa para sa ABS-CBN network ngayong araw.
Sa naging closing remarks ni Cavite Congressman Elpidio Barzaga, kanyang iginiit ang pangangailangan para sa pagsasagawa ng mas malalim pang serye ng pagdinig sa usapin.
Humarap naman para sa panig ng network si ABS-CBN president at CEO Karlo Katigbak kung saan umapela siyang mapagbigyan ang kanilang aplikasyon para sa prangkisa.
Ayon kay Katigbak, nakasalalay aniya rito ang kinabukasan ng nasa 11,000 nilang empleyado.
Iginiit din ni Katigbak na wala silang nilalabag na batas.
Tumayo naman si Deputy Speaker Congressman Rodante Marcoleta para ilahad ang argumento ng mga tutol sa pagbibigay ng prangkisa ng ABS-CBN.
Sinabi ni Marcoleta hindi nakasunod ang ABS-CBN sa mga isinasaad na terms and condition ng kanilang prangkisa noon.
Itinagkda naman ang pagbabalik ng pagdinig ng Kamara sa Lunes, Hunyo 1.