Pinayagan na ng Korte Suprema si dating pangulo at ngayo’y Pampanga Representative Gloria Arroyo na makapag-Pasko at Bagong Taon sa kanyang bahay sa La Vista, Quezon City.
Ayon kay Atty. Theodore Te, Spokesman ng SC, magsisimula ang furlough para kay Ginang Arroyo alas-8:00 ng umaga simula December 23, 2015 hanggang ala-5:00 ng hapon sa December 26, 2015;
Alas-8:00 ng umaga naman sa December 30, 2015 hanggang ala-5:00 ng hapon sa January 2, 2016.
Ipinaliwanag naman ni Te na eksklusibo lamang ang furlough sa bahay ni Ginang Arroyo sa La Vista, Subdivision.
Halos limang taon ng naka-hospital arrest ang dating pangulo sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) sa Quezon City.
Palasyo
Kaugnay nito, hindi kokontrahin ng Palasyo ang ibinigay na Christmas furlough ng Korte Suprema kay dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Representative Gloria Arroyo.
Kasunod ito ng paborableng desisyon ng Korte Suprema sa petisyon ng kampo ni Arroyo na makapagdaos ng Pasko at Bagong Taon si Ginang Arroyo sa piling ng kanyang pamilya.
Halos limang taon ng naka-hospital arrest ang dating Pangulo dahil sa mga isinampang kaso ng katiwalian ng Aquino administration.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Sonny Coloma, inirerespeto nila ang naging desisyon ng Supreme Court.
By Drew Nacino | Bert Mozo (Patrol 3) | Aileen Taliping (Patrol 23)