Kahit nagpatupad na ng Oil price rollback sa nakalipas na dalawang linggo, mananatili pa ang hirit ng mga transport group na dagdagan ang singil sa pasahe.
Nilinaw ni Pasang Masda President Obet Martin na bagaman mas mababa ang natapyas sa presyo ng produktong petrolyo, malaki pa rin ang iminahal nito nang magsimula ang taon.
Ayon kay Martin, kung tutuusin ay hindi pa rin sapat ang tapyas presyo sa diesel.
Simula Enero ay nasa P36.80 centavos na kada litro ang itinaas ng diesel habang nasa P24.30 centavos ang nadagdag sa gasolina.
Umaasa naman ang grupo ng mga jeepney driver na pagbibigyan ang kanilang hiling na dagdag P3 sa minimum fare.
Kasalukuyang P11 ang minimum na pasahe sa jeep habang nakatakdang dinggin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang apela ng mga transport group sa July 27.
Nanindigan din ang grupo ng mga bus na Samahan ng Transport Operators ng Pilipinas (STOP) na hindi nila i-aatras ang kanilang petisyon lalo’t noon pang 2011 huling nagkaroon ng pisong provisional increase.
Iginiit ni STOP spokesperson Juliet De Jesus na ilang beses na silang nagsumite ng petisyon pero hindi naman nareresolba.
Kahapon sana diringgin ang apela ng mga bus operator sa LTFRB subalit pa nabubuo ang mga board member ng ahensiya kaya’t ipagpapaliban muna ito.